Tadtad ng tama ng bala ang bangkay ng isang lalaki, kilala umanong drug addict sa kanilang lugar, nang madiskubreng palutang-lutang sa isang estero sa San Miguel, Maynila kamakalawa.
Nabatid na tatlong araw nang nawawala si Jose Midina, 60, parking attendant, ng No. 1003 Arlegui Street, Quiapo, Maynila, bago nadiskubreng patay sa Estero de San Miguel, dakong 4:00 ng hapon.
Ayon kay Marissa Angelo, 37, kinakasama ni Medina, huli niyang nakitang buhay ang biktima sa kanilang tahanan noong Abril 21, dakong 10:00 ng umaga.
Inamin ni Marissa na gumagamit ng droga ang biktima at madalas magpunta sa Islamic Center para bumibili ng shabu.
Ayon kay SPO2 Richard Escarlan, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), inamin din ni Marissa na bago natagpuan ang bangkay ay may nakapagsabi na sa kanya na binaril ang kinakasama sa loob ng Islamic Center.
Hindi umano niya ito pinaniwalaan at hindi rin nagtungo sa lugar dahil sa takot na umapak sa Islamic Center.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso. (Mary Ann Santiago)