Tumataginting na P400,000 cash at alahas ang nakuha ng limang suspek, pawang hinihinalang miyembro ng “Budol-Budol” gang, sa 77-anyos na negosyante matapos dumalo sa misa sa Pasay City nitong Linggo.
Ayon kay Salvacion Calamba, may-ari ng hardware at residente ng Primero de Marso Street, Barangay 107, Pasay, pilit kinuha ng mga suspek ang kanyang alahas na nagkakahalaga ng P300,000 at P90,00 cash. At tila hindi pa nakuntento, sinampal at sinuntok pa umano siya ng mga suspek.
Hindi kilala ni Calamba ang mga suspek, tatlong babae na tinatayang nasa edad 25-30 at dalawang lalaki na ganoon din ang edad.
Ayon kay Senior Police Officer 1 Joel Landicho, may hawak ng kaso, pauwi na si Calamba mula sa pagdalo ng misa sa Santa Clara Parish sa Burgos St., ganap na 10:00 ng umaga, nang lapitan siya ng dalawa sa mga suspek—isang lalaki at isang babae.
Nagpakilala ang dalawang suspek sa biktima bilang mga kaibigan ng kanyang anak at nagsimulang magsalita nang magsalita, ayon kay Landicho.
Nahikayat si Calamba na sumakay sa likod ng sasakyan ng babaeng suspek nang makita niya ang isa pang babaeng suspek at kanilang driver. Sinabi umano ng mga suspek kay Calamba na bibili sila ng mga materyales sa kanyang hardware.
Makalipas ang ilang minuto, isa pang babaeng suspek ang pumasok sa sasakyan at nagpanggap na bibili ng yero kay Calamba.
Gayunman, sinabi umano ng kararating na suspek na buo ang kanyang pera kaya ipinapalit niya kay Calamba ang kanyang P1,000 bill.
Hindi alam ni Calamba na ‘yon na ang hinihintay ng mga suspek at sinimulan na siyang sigawan at sampalin. Kinuha na rin ng mga suspek ang kanyang mga alahas at cash sa loob ng kanyang bag.
Nang makuha na ang lahat, ibinaba ng mga suspek si Calamba sa isang kalye sa Intramuros, Maynila, dakong 3:00 ng tanghali.
Nakikipag-ugnayan na ang mga pulis sa Manila Police District para sa ikahuhuli ng mga suspek. (Martin A. Sadongdong)