MAGKANO na kaya ang box office take ng Can’t Help Falling In Love movie nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo na simula nang magbukas noong Abril 15 ay walang tigil ang bawat grupo ng fans club sa kao-organize ng block screening sa iba’t ibang malls.
Nitong nakaraang Linggo ay nagkaroon ulit ng block screening sa Dolphy Theater ang KB (Kathryn Bernardo) Buddies Dubai at TFC Friends na inorganisa ng KB Buddies Philippines.
Napansin namin na ang ilang imbitado ng KB Buddies Philippines ay ang mga batang maysakit mula sa iba’t ibang foundation at may mga kasamang madre.
Pinakain muna ng grupo ang mga bata, guardians, sisters, at iba pang mga bisita.
Tsinika at tinanong namin ang lider ng KB Buddies na si Tita Long kung ilang taon na ang fans club ni Kathryn Bernardo at kung bakit wala ang pangalan ni Daniel.
“Itong Kathryn Bernardo Buddies ay noon pang nasa Goin’ Bulilit si Kathryn, bata pa lang siya hinangaan na namin, pangako namin sa kanya na kapag tumuntong na siya bilang teenager, ilo-launch namin ang fans club niya. Eh, nu’ng i-launch namin, wala pa naman si Daniel, hindi pa sila love team noon, kaya solong Kathryn lang itong KB Buddies. Pero love namin si Daniel, siyempre,” paliwanag sa amin.
Pitong taon na ang KB Buddies na nagkaroon na ng iba’t ibang sangay sa ibang bansa katulad din ng ibang fans club ng KathNiel.
Well known sa showbiz si Tita Long na daig kami bilang showbiz reporter dahil mula sa utility hanggang sa pinakamataas na posisyon sa production tulad ng business unit head at mga direktor ay kilala siya, dahil nga parati siyang nasa set ng bawat artistang suportado nila.
Siyempre, curious kami na sa dinami-rami ng suportadong artista ng grupo ay sino ang pinakamahal nila.
“Wala kaming ganu’n, Reggee, lahat ng suportado namin, mahal namin at naglalagay kami, lalo na ako, ng linya para hindi ako masaktan pagdating ng araw. Lahat sila pantay-pantay.
“May ibang fans na gustong nakadikit lagi sa artista na gustong makasakay sa sasakyan, okay lang iyon, kasi ganu’n naman talaga, masaya ka na kapag napadikit ka. Ang consequence lang doon, kapag nag-expect sila at hindi naibigay ng artista, masasaktan sila. Ayokong makaranas ng ganu’n,” paliwanag ng lider ng KB Buddies.
Saksi rin kami kung paano at saan nanggagaling ang pondo ng pa-block screening ng bawat fans club at kung paano nila tipirin ang kanilang baon kapag estudyante at kapag may trabaho ay talagang nagbubukod na ng porsiyento na para sa showbiz events.
Aminado rin ang ibang miyembro na wala silang naiipon dahil sa kasusuporta nila sa mga artista dahil ito na ang kaligayan nila.
Napa-wow kami dahil silang supporters o fans naman talaga ang tunay na superstar, dahil sila ang bumubuhay sa entertainment industry, sa totoo lang naman. Sila ang dahilan kaya sumisikat ang mga artista, sila rin ang dahilan kaya kumikita ang mga pelikula, at sila rin ang dahilan kaya nagri-rate ang mga programa sa TV, bukod pa sa tinatangkilik din nila ang lahat ng produktong iniendorso ng mga artista.
Kaya malaki ang pasasalamat ng ibang artista (hindi lahat) sa supporters nila at ‘yung iba ay itinuturing na rin nilang kapamilya.
Samantala, big hit din ang Can’t Help Falling In Love sa iba’t ibang bansa dahil nagpo-post ang mga kababayan natin sa social media. Mismong mga pinsan ko sa Amerika, ipinakita pa ang biniling ticket na nagkakahalaga ng $11.20 sa 11:00 AM screening sa Edwards West Covina Theater na sobrang haba raw ng pila.
Nabanggit pa sa amin na panay ang hiyawan sa Can’t Help Falling In Love ng mga nanonood na kapwa nila Pinoy.
(REGGEE BONOAN)