Nagkabutas-butas sa bala ang katawan ng isang lalaki, na bumaril sa lalaking nakikipaglamay sa kanilang pamilya at sa isang pulis, makaraang manlaban sa awtoridad na umaaresto sa kanya sa Barangay Marikina Heights, Marikina City kamakalawa.

Tadtad ng tama ng bala sa katawan si Roan Baranda, na itinuturong bumaril at nakasugat kina Wilfredo Lagaras at PO1 Hannie Acebron.

Sa ulat ng Marikina City Police, bandang 11:50 ng gabi nangyari ang pamamaril sa No. 49 Apitong Street, Bgy. Marikina Heights.

Sa salaysay sa pulisya ni Ricky Rentuza, testigo at pinsan ni Lagaras, nakikipaglamay silang magpinsan sa burol ng kanilang lola nang sa hindi batid na dahilan ay bigla na lang bumunot ng baril ang suspek at binaril si Lagaras.

Kapatid ni Jay-el Maligday na pinaslang umano ng militar, nanawagan ng hustisya

Nagkataon na nagpapatrulya ang tatlong pulis, sa pamumuno ni Acebron, sa lugar kaya pinuntahan nila ito ngunit maging sila’y pinaputukan at tinamaan si Acebron.

Dahil dito, napilitan ang mga pulis na paputukan si Baranda. (Mary Ann Santiago)