ALCALA, Cagayan - Binalaan kahapon ng Philippine Army ang mga magulang na bantayang maigi ang kani-kanilang anak laban sa malawakang recruitment ng New Peopleās Army sa Cagayan.
Batay sa pinakahuling impormasyong nakalap ng Balita, nasa 89 na barangay sa Cagayan ang apektado ng recruitment ng armadong sangay ng Communisty Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF).
Nabatid na simula nitong Marso ay nagtutungo sa mga eskuwelahan ang NPA at ineengganyo ang mga bata na sumama sa libreng outing ng kanilang grupo.
Sa outing, tinatalakay ng mga rebelde ang kanilang doktrina at inilalahad ang mga negatibong balita laban sa gobyerno upang linlangin at mahimok ang kabataan na sumapi sa kilusan.
Kasabay nito, hangad naman ng Cagayan na labanan ang insurgency sa probinsiya sa pamamagitan ng Youth Leadership Summit (YLS) sa Cagayan at Apayao, ayon kay Lt. Col. Rembert Baylosis, ng 17th Infantry Battalion ng Philippine Army.
2 REBELDE TODAS, SUNDALO SUGATAN
Samantala, nasa 40 miyembro ng NPA ang umatake sa isang grupo mula sa 67th Infantry Battalion na nagbabantay sa dinarayo ng turista na Aliwagwag Falls Eco Park sa Barangay Aliwagwag, Cateel, Davao Oriental, bandang 4:30 ng umaga kahapon.
Iniulat ni Rhyan Batchar, hepe ng Division Public Affairs Office ng 10th Infantry Division, na tumagal ng 45 minuto ang bakbakan at isang sundalo ang nasugatan, na pansamantalang hindi pinangalanan.
Narekober ng militar ang isang M14 na naiwan sa pagtakas ng mga rebelde, habang pinaniniwalaang dalawa sa NPA ang nasawi sa bakbakan. (Liezle Basa IƱigo at Antonio Colina IV)