Apat na pinaniniwalaang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG), na kasama ng grupong sumalakay sa Inabanga, Bohol dalawang linggo na ang nakalilipas, ang napatay sa pakikipagbakbakan sa mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa bayan ng Clarin sa lalawigan, nitong Sabado ng hapon.

Ayon kay Brig. General Restituto Padilla, tagapagsalita ng AFP, kinumpirma ng pulisya sa retrieval operation ng Philippine National Police-Scene of the Crime Operations (PNP-SOCO) ang pagkakasawi ng tatlong iba pang bandido makaraang unang mapatay si Joselito Melloria nang araw ding iyon.

Si Melloria ang residente ng Inabanga na sinasabing contact ng sub-leader na si Abu Rami nang sumalakay ang grupo ng huli sa nasabing bayan dalawang linggo na ang nakalilipas.

Napatay din ng militar si Abu Rami, at limang iba pang bandido, ilang oras makaraang sumalakay sa Inabanga. Tatlong sundalo at isang pulis ang napatay din sa labanan.

Internasyonal

Tinatayang 150 milyong bata sa buong mundo, nananatiling 'undocumented'

Alinsunod sa tradisyong Muslim, inilibing na kahapon ang apat na bandido, kabilang si Melloria, sa isang pampublikong sementeryo sa Clarin.

Ayon kay Police Regional Office (PRO)-7 Director Chief Supt. Noli Talino, ang labanan ay bahagi ng pagpapatuloy ng pagtugis ng mga awtoridad na nauwi sa sagupaan sa Barangay Bacani sa Clarin, kung saan natiyempuhan ng mga pulis at sundalo ang nasa pitong armado.

Sinasabing tatlo pang miyembro ng Abu Sayyaf sa Bohol ang tinutugis ng mga awtoridad, at naniniwala si Talino na masusukol na ang mga ito dahil hindi naman gamay ng mga bandido ang Bohol, hindi gaya sa kinalakhan nila sa Basilan o Sulu.

“It could be just in a matter of time before we can say that the threat is totally eliminated,” ani Talino.

(FER TABOY at AARON RECUENCO)