Isang tama ng bala sa ulo ang ikinamatay ng isang lalaki makaraang barilin ng dalawang suspek na lulan sa motorsiklo sa isang palengke sa Novaliches, Quezon City kahapon.

Kinilala ang biktima na si Julian Sarmiento, 46, tindero ng karne, ng Maagap Street, Doña Isaura Subdivision, Barangay Nova Proper.

Base sa imbestigasyon, ganap na 9:40 ng umaga nangyari ang pamamaril sa Susano Market sa Bgy. Sta. Monica.

Sa salaysay sa pulis ni Lito Gopo, isa sa mga tauhan ni Sarmiento, isang lalaki, nakasuot ng bullcap, sando at shorts, ang lumapit sa kanyang amo at binaril ito sa likod ng ulo.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Ayon pa kay Gopo, bumalik at sumakay ang armado sa kinalululanan niyang motorsiklo na minamaneho ng lalaking nakasuot din ng bullcap at itim na jacket at pantalon, at humarurot sa Bgy. Kaligayahan.

Inaalam na ang motibo sa insidente. (Vanne Elaine P. Terrazola)