Pitong katao ang nalambat sa magkakahiwalay na operasyon ng Quezon City police sa pakikipaglaban sa ilegal na droga nitong linggo.

Inaresto ng mga tauhan ng Fairview Police Station sina Henry Ababon, 28; Ruel Flor, 40; Justin Rosal, 22; at Rosendo Pangal, 21, nang mahuli sila sa aktong bumabatak ng shabu sa Chestnut Street, Barangay Greater Fairview, dakong at 10:30 umaga nitong Biyernes.

Ayon sa awtoridad, isang concerned citizen ang nagpaalam sa kanila na may ilegal na ginagawa ang mga suspek.

Nakumpiska nila sa grupo ang limang hinihinalang shabu at iba pang paraphernalia. Nakakuha rin sila ng improvised na baril na kargado ng 12 bala.

Bilang ng operasyon ng POGO sa bansa, bumaba sa 17 bago matapos ang 2024

Isa ring residente ang nagsumbong sa pulisya upang maaresto si Mandy Gasheda, 34, sa Bgy. Apolonio Samson, dakong 7:00 ng gabi. Ayon sa pulis, tinangka pang tumakas ni Gasheda nang masilayan siya ng mga barangay tanod sa Old Samson Road. Nakuha sa kanya ang isang pakete ng shabu.

Sa ganap na 11:20 ng gabi, sa pagpapatrulya ng mga pulis sa G. Araneta Avenue sa Bgy. Tatalon, naaresto si Teresita Tuson, 59, matapos makuhanan ng maliit na pakete ng shabu.

Samantala, sa inilunsad na buy-bust operation ng anti-illegal drug team mula sa Galas Police Station ay matagumpay na naaresto ang target na si Don Cobarrubias, 59, sa 13th St., Bgy. Damayang Lagi. (Vanne Elaine P. Terrazola)