Anim na katao ang nasawi at pitong iba pa ang nasugatan makaraang araruhin ng isang nawalan ng preno na delivery truck ang apat na motorsiklo bago tuluyang bumaligtad sa highway sa Makilala, North Cotabato bandang 5:20 ng umaga kahapon.

Ayon sa imbestigasyon ng Makilala Municipal Police, apat sa mga nasawi ay driver ng mga motorsiklong pinagsasalpok ng delivery truck ng Pepsi Cola Company matapos itong mawalan ng preno sa bahagi ng tinaguriang “killer highway” sa Barangay Malasila sa Makilala.

Kabilang din sa namatay ang isang hindi pa kilalang babae na naghihintay noon ng pampasaherong bus patungong Davao City.

Ayon sa mga ulat, nasapol siya ng mga case ng softdrinks nang bumaligtad ang truck malapit sa kanya.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Kabilang naman sa mga nasugatan at isinugod sa magkakahiwalay na ospital sa Makilala at Kidapawan City ang driver ng truck, mga pahinante nito at ang mga nakaangkas sa apat na motorsiklo.

Patungong Kidapawan ang truck nang mangyari ang aksidente.

Kakasuhan ang hindi pa pinangalanang driver ng reckless imprudence resulting to multiple homicide, injuries at damage to property. (FER TABOY at MALU CADELINA MANAR)