ITINALAGANG muli ni Pangulong Digong ang apat na miyembro ng kanyang Gabinete na hindi inaksiyunan ng Commission on Appointments (CA) bago mag-recess ang Kongreso. Kailangan gawin ito ng Pangulo kina DENR Sec. Gina Lopez, DAR Sec. Rafael Mariano, DSWD Sec. Judy Taguiwalo at DoH Sec. Ubial upang legal nilang magampanan ang kanilang tungkulin. Ang epekto kasi ng ginawa ng CA ay tinanggal na sila sa kani-kanilang puwesto.

Nagkamali ako sa pag-aakalang hindi na igigiit pa ni Sec. Lopez na magpatuloy bilang pinuno ng DENR. Aba, eh sa talumpati niya sa isa sa mga bansang dinalaw niya sa Gitnang Silangan, isa sa mga binatikos ni Pangulong Digong sa harap ng mga OFW doon ay ang kanyang pamilya. Ang pamilya raw ni Sec. Lopez ay ilan sa mga oligarch na kalaban ng mamamayang Pilipino. Isa pa, malaking bagay ang pagkontra sa appointment ng kalihim sa CA nang dinidinig na ito ng kanyang kasama sa Gabinete.

Ayon kay Finance Secretary Dominguez, isa sa mga dahilan kung bakit tinututulan niya ang kanyang appointment ay ang kanyang kawalan ng kakayahang pamunuan ang departamento. Wala umano siyang nalalaman sa pagmimina. Ngayon namang bagong katatalaga niyang muli, sinusuway naman ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang kanyang direktiba sa isa mga nagmimina na pinagmumulta niya dahil sa pagsira sa kapaligiran. Ang multa ay ibibigay sa mga magsasaka na naapektuhan ang mga sakahan. Pawang maiimpluwensiyang opisyal ng Duterte administration ang lantarang nakakasagupa ni Sec. Lopez sa kanyang pagganap sa kanyang tungkulin.

Pero, ang higit na sagabal sa confirmation ng appointment nina Lopez at Mariano ay nasa CA mismo. May mga kasapi ito na ang interes ay malamang na nasagasaan at masasagasaan ng dalawa sa tapat na pagtupad ng kanilang tungkulin. May mga mambabatas na nasa loob ng CA na ang kanilang kapamilya o kamag-anak ay nasa minahan. Mayroon namang mga asendero o nagmamay-ari ng malawak na lupain. Ang mga ito at iba pang mambabatas na hindi kasapi ng CA ang nakalaban ni Mariano nang suspendehin niya sa loob ng dalawang taon ang land conversion o ilaan ang mga malawak na lupain sa ibang layunin gayong nakatalagang taniman ang mga ito ng palay na magbibigay ng masaganang ani.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kailangan manatiling katuwang ni Pangulong Digong sina Lopez, Mariano at Taguiwalo kung nais niya ang modelo sa pagbibigay ng serbisyo sa mamamayan lalo na iyong mga nasa laylayan ng lipunan. Pagtanganin mo sila ng salapi, makikita mong nagagastos ito sa pinaglaanan. Tapat sila sa kanilang tungkulin na hindi nais ng mga pulitiko. Ang gusto nila ay magamit sila sa pagpapabango sa kanilang mga sarili. Kaya, dadaan sa butas ng karayom sina Lopez, Mariano at Taguiwalo kung makalusot man sila sa CA dahil sila ay para sa tunay at tapat na serbisyo. (Ric Valmonte)