Ginulpi ng dalawang guwardiya ang isang pulis na inutusang alisin ang kanyang kotse subalit dahil sa trapik ay natagalan na ikinairita ng mga suspek sa Taguig City, nitong Huwebes ng hapon.
Mga pasa sa mukha at katawan ang tinamo ng biktimang si Police Officer 3 Lorenzo Catarata, nasa hustong gulang at nakatalaga sa Manila Police District (MPD).
Sumailalim kahapon sa inquest proceedings para sa kasong physical injury at grave threat sina Salvador Gregorio at Marjun Gallenero, kapwa nasa hustong gulang, habang hindi na kinasuhan ng biktima ang isa pang guwardiya na si Edgar Almerion.
Sa ulat na natanggap ng Southern Police District, dakong 1:15 ng hapon nangyari ang pambubugbog sa East Service Road, Western Bicutan, Taguig City.
Base sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera, nasa loob ng kanyang sasakyan si Catarata nang lapitan at utusan siya ni Gregorio na alisin ang sasakyan sa lugar na agad namang sinunod ng pulis.
Dahil sa mabagal na daloy ng trapiko, mabagal ang pag-andar ni Catarata na ikinagalit ni Gregorio at sinuntok ang kotse ng una.
Makalipas ang ilang sandali ay bumalik si Gregorio kasama si Gallenero at nilapitan ang sasakyan ni Catarata na napilitang bumaba ng sasakyan upang kumprontahin ang mga suspek na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Sa gitna ng pagtatalo, itinulak umano ni Gregorio si Catarata na hindi nagdalawang-isip na gumanti at humantong sa komosyon.
Tinangka pa ni Gregorio na bumunot ng baril at sinubukang agawin ni Catarata hanggang sa dumating Almerion na umawat.
(Bella Gamotea)