Kinasuhan ng isang beauty queen ang kanyang sekretarya dahil sa pagtangay umano nito ng kanyang alahas na nagkakahalaga ng mahigit P2.7 milyon, iniulat kahapon.

Nagsampa ng kaso si 2016 Mrs. Asia International Classic winner Vivian Crabajales-Yano laban kay Edelyn Anderson, personal niyang sekretarya, sa Quezon City Prosecutor’s Office nitong Martes.

Base sa ulat ng Quezon City Police District, nadiskubre ni Yano na sinamantala ni Anderson ang kanyang pagkawala dahil sa pag-aasikaso sa mga negosyo. Si Anderson ay live-in partner ng pamangkin ni Yano, ayon sa pulis.

Base sa inisyal na imbestigasyon, habang nasa Japan, pinayagan ni Yano na tumira si Anderson sa kanyang bahay sa Barangay Bagong Silangan dahil nagtatrabaho rin naman ito sa kanya.

Kapatid ni Jay-el Maligday na pinaslang umano ng militar, nanawagan ng hustisya

Sinabi ni Yano sa mga pulis na noong Pebrero 7, habang nasa bakasyon, inutusan niya ang suspek na mag-withdraw ng P328,500 para ipaayos ang kanilang bahay at iba pang gastusin.

Sinabi umano sa kanya ni Anderson na P151,343 lamang ang nagastos sa lahat ng kanyang ipinag-utos. At nang umuwi si Yano noong Pebrero 10, hindi na niya nakita si Anderson, pati na ang natirang pera.

Nagdesisyon siyang magsumbong sa awtoridad nang madiskubre niya nitong Marso 10 na isinangla ni Anderson ang kanyang singsing nang walang permiso. Sinabi sa kanya ng isang kasamahan sa bahay na isinangla ni Anderson ang singsing kapalit ng P50,000.

Dito na niya nadiskubre na nawawala rin ang iba pa niyang mamahaling alahas na aabot sa P2.6 milyon.

Hanggang ngayon, hindi pa rin nababawi ni Yano ang kanyang pera at mga alahas mula kay Anderson na patuloy na tinutugis.

Si Yano, isang negosyante, ay nanalo ng tatlong titulo sa ikalimang Mrs. Asia International pageant for married women: Cosmopolitan, Mrs. Ambassador, at Mrs. Popularity. Ito ay idinaos sa Kuala Lumpur, Malaysia.

(Vanne Elaine P. Terrazola)