Wala talagang pinipiling lugar ang mga armado makaraang pagbabarilin ang isang retiradong overseas Filipino worker (OFW) sa sarili nitong bahay sa Barangay Jesus Dela Peña sa Marikina City, kamakalawa ng gabi.

Dead on the spot si Roberto Dumlao, alyas “Obet”, 67, biyudo, ng 49B Capt. Sendo Street, sa Bgy. Jesus Dela Peña, dahil sa apat na tama ng bala sa ulo at isa sa kanang braso.

Mabilis namang nakatakas ang apat na ‘di pa nakikilalang suspek na lulan sa dalawang motorsiklo.

Batay sa ulat ng Marikina City Police, na nakarating sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director Police Chief Supt. Romulo Sapitula, dakong 9:05 ng gabi nangyari ang pamamaril.

National

‘Para sa hustisya!’ International humanitarian law victims, nagprotesta sa labas ng SC, DOJ

Ayon sa mga residente, huminto ang mga suspek sa tapat ng eskinita ng Capt. Sendo St.

Bumaba umano ang dalawang angkas ng motorsiklo at pumasok sa eskinita at makalipas lamang ang ilang sandali ay nakarinig na sila ng limang putok ng baril.

Tumatakbo pabalik ang dalawang suspek at muling sumakay sa motorsiklo saka humarurot palayo.

Patuloy ang imbestigasyon sa kaso. (Mary Ann Santiago)