PHOTO_Emilio copy

Ang sabayang tunog ng tambol at lyre, at ang makukulay na bandila ng colour guards ang nagsilbing senyales sa pagpapasinaya sa bantayog ni Emilio Jacinto sa Magdalena, Laguna nitong Lunes.

Bukod sa mapagkakatiwalaang heneral ng Katipunan ni Andres Bonifacio, kinilala ring “Utak ng Katipunan” si Jacinto dahil sa kanyang mga akda gaya ng ‘Liwanag at Dilim’, ‘Pahayag’, at ‘Mga Aral ng Katipunan ng A.N.B.’, na mas kilala bilang Kartilya ng Katipunan.

Lingid sa nakararami, sa bayan ng Magdalena namatay si Jacinto sa edad na 24, dahil sa malaria. Ito ang dahilan kung bakit sa nasabing munisipalidad ng Laguna napiling itayo ng National Commission for Culture and the Arts at Komisyon sa Wikang Filipino ang tansong estatwa ng tinaguriang “Utak ng Rebolusyon.”

Human-Interest

Ang Pasko sa loob ng selda at mga munting hiling sa likod ng rehas

Tampok sa mahigit anim na talampakang estatwa, na nilikha ni Priscillano Vicaldo, Jr., ang isang mapagliming Jacinto habang hawak ang kanyang librong ‘Liwanag at Dilim’.

“Ang rebultong ito, kung tawagin…kapirasong bato, kapirasong semento… rebulto. Pero sa alaala ng bayan ng Magdalena, hindi ito kapirasong bato, hindi ito kapirasong semento kundi ito ang simbolo ng dugo at buhay ng isang tao na tumindig para sa kalayaan at para sa kabutihan ng mamamayan,” sabi ni Laguna 4th District Rep. Benjamin Agarao, Jr.

Bilang estudyante ng kasaysayan, inilarawan ni Agarao si Jacinto bilang isang batang bayani na naging tanglaw sa panahon ng kadiliman ng ating bansa.

“Sana ito'y hindi mawala sa ating mga alaala na mayroong mga taong ganito na tumindig sa kanilang sarili at alisin ang takot, at tumindig at humawak ng armas, ipara ang kanilang buhay upang ang kinabukasan ng lahi ay matiyak na maging malaya at maunlad at pakinabangan ng marami pang susunod na henerasyon,” sabi ni Agarao.