Iginiit ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na nararapat lamang na ibigay sa kanila ang mga pabahay sa buong bansa na hindi pa naookupahan at nakatiwangwang lang.
Sa pagdinig ng Senate committee on urban planning and housing, sinabi ni Gloria Arellano, national chairman ng Kadamay, na nabubulok lamang nang hindi napapakinabangan ang mga pabahay kaya dapat na ipamigay na lang ang mga ito sa walang masilungan.
“Marami po ang walang trabaho sa ating bayan, naghahangad magbatak ng buto para sa kabutihan ng mahihirap. Ang totoo po, hindi pa tapos ang laban ng mga maralita ng Pandi, at ng buong bayan. Nagsisimula pa lang. Ang amin pong panawagan, ipamahagi na ang mga nakatiwangwang na pabahay,” ani Arellano.
Ngunit kinontra ito ni Senator JV Ejercito, chairman ng nasabing komite, at sinabing hindi maaaring makuha nang libre ang mga pabahay.
“Pasensiya na po at ‘di po ako naniniwala na lahat ay puwedeng ibigay nang libre. Dahil naniniwala din po ako na mas binibigyan ng importansya ang isang bagay kapag ito po ay pinagtatrabahuhan,” giit ni Ejercito.
OKUPADO
Kinumpirma naman ng National Housing Authority (NHA) sa pagdinig na 5,278 housing units sa Pandi, Bulacan ang kasalukuyang inookupahan ng Kadamay.
Matatandaang sinalakay ng nakaraang buwan ng may 6,000 miyembro ng Kadamay ang mga bakanteng pabahay sa Pandi at tumanggi nang umalis doon.
Kalaunan, inihayag ni Pangulong Duterte na hindi na niya paaalisin sa lugar ang mga kasapi ng Kadamay, at sinabi sa mga pulis at sundalo—na pinaglalaanan ng pabahay—na ipaubaya na lang ang mga housing unit sa mahihirap dahil hahanap siya ng bagong lugar para sa panibagong pabahay ng law enforcers.
HINDI NAKONSULTA
Nabunyag din sa pagdinig na walang nangyaring konsultasyon sa pagitan ng NHA at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) tungkol sa lokasyon ng pabahay.
Ayon sa mga kinatawan ng AFP at PNP, hindi rin sila kinonsulta sa disenyo ng mga pabahay.
Anila, masyadong maliit ang 22 square meters na bahay dahil ang dapat na sukat ng pabahay sa labas ng Metro Manila ay seven square meters bawat tao.
Katwiran naman ng NHA, aprubado na ang 44 square meters para sa pabahay ng mga pulis at sundalo noong nakaraang taon.
(Leonel M. Abasola at Hannah L. Torregoza)