Nalagutan ng hininga ang isang negosyante matapos pagsasaksakin ng dalawang security guard sa Caloocan City, nitong Linggo ng gabi.
Dead on arrival sa Martinez Memorial Hospital si Wilbert Yam, 59, ng No. 402 4th Avenue, West Grace Park, Barangay 51 ng nasabing lungsod, sanhi ng mga saksak sa katawan.
Arestado naman ang isa sa mga suspek na kinilalang si Nilo Camare, 39, habang pinaghahanap naman ang kanyang kasamahan na si Wever Capile, 27, ng Bgy. Tonsuya, Malabon City.
Sa report ni SPO2 Frederick Manansala, bandang 7:15 ng gabi nangyari ang krimen sa labas ng Yamson Commercial Printing Inc., na pag-aari ni Yam.
Nagliligpit na umano ang biktima para magsara nang biglang lapitan ng mga suspek at pinagsasaksak.
Nasaksihan umano ni Ramos Condes Lozada Jr., sekyu sa kabilang establisyemento, ang pangyayari kaya hinabol niya ang mga suspek.
Nakorner ni Lozada si Camare habang nakatakas si Capile.
Sinampahan na ng kasong murder si Camare. (Orly L. Barcala)