Nilinaw ng isa sa mga House prosecutor na si Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon na hindi raw mahalaga ang usapin ng “contract to kill” sa umano’y naging aktuwal na pagbabanta ni Vice President Sara Duterte magmula noong Nobyembre 23, 2024, at mga sumunod pa.
Sa inilabas na video statement ni Ridon sa kaniyang “X” account nitong Huwebes, Hulyo 9, 2026, sinabi niyang mahalaga raw na linawin ang tungkol sa sinasabing wala naman daw impeachable offense na ginawa si VP Sara dahil hindi raw nagkaroon ng “contract to kill.”
“Hindi contract to kill ‘yong pinag-uusapan dito,” pagsisimula niya.
Ani Ridon, ang naging pagbabanta raw ni VP Sara sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., First Lady Liza Marcos, at Leyte 1st District Representative at dating House Speaker Martin Romualdez ang totoo raw na sentro ng usapin.
“Ang pinag-uusapan dito, ‘yong pagbabanta ng Pangalawang Pangulo laban sa Pangulo, sa First Lady, at sa dating House Speaker,” aniya.
Diin ni Ridon, wala raw batayan para sa sinoman na pumapabor sa pagbabanta sa buhay ng sinoman laban sa kahit na kanino man daw na indibidwal.
Aniya pa, dahil daw rito kaya mataas ang pamantayan ng paglilitis kapag isang mataas na opisyal kagaya nina VP Sara, PBBM, at iba pang ang nagbanta sa kapuwa nila matataas na kawani ng pamahalaan.
“Ibig sabihin, kapag matataas na opisyal ng pamahalaan ang gumawa, dapat may aktuwal na pananagutan ‘yong ganitong mga gawain,” paliwanag niya.
“‘Yan ‘yong inilatag ng impeachment proceedings ng prosecution nitong nagdaang araw. ‘Yong aktuwal na pagbabanta, nakita natin ‘yong video. Nakita ng buong bayan ‘yong video,” pagtatapos pa niya.
Nakatakdang muling simulan ang impeachment trial laban kay VP Sara sa darating na Lunes, Hulyo 13, hanggang sa araw ng Miyerkules, Hulyo 15, 2026, na magsisimula tuwing 2:00 ng hapon.
KAUGNAY NA BALITA: Impeachment, 3 taon pinaghandaan—Mayor Baste
KAUGNAY NA BALITA: ‘I would say that it's a good week for the prosecution!'—House Prosecutor Zamora