Niyanig na naman ng 5.2-magnitude na lindol ang bayan ng Wao sa Lanao del Sur kahapon, isang linggo matapos itong yanigin ng magkasunod na araw.

Sa report ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), dakong 4:40 ng umaga nang maramdaman ang pagyanig sa layong 14 kilometro sa hilagang-kanluran ng Wao, Lanao del Sur.

Naitala rin ang Intensity V sa Wao, Intensity IV sa Kalilangan, Bukidnon; at Intensity III sa Cotabato City.

Intensity II ang naramdaman sa Cagayan De Oro City; Pangantucan, Maramag, Valencia City at Quezon sa Bukidnon.

Probinsya

Ash falls dulot ng bulkang Kanlaon, naranasan sa ilang bahagi ng Negros Occidental

Ang pagyanig na lumikha ng tatlong kilometrong lalim ay tectonic at inaasahan ang marami pang aftershocks.

Ito na ang ikatlong beses na nilindol ang lugar ngayong linggo.

Miyerkules nang yanigin ng magnitude 6.0 na lindol ang Wao habang magnitude 5.3 naman ang naitala nitong Huwebes sa kaparehong lugar.

Mahigit 320 aftershocks na ang naitala simula nang yanigin ang Wao nitong Miyerkules. (Rommel Tabbad at Jun Fabon)