“KUYA”, ang tanging nasambit ni Luzviminda Siapo bago siya humagulgol at yumakap sa kapatid. Agad niya itong pinuntahan pagkababang-pagkababa niya ng eroplano mula sa Kuwait kung saan siya nagtatrabaho bilang katulong.
Napilitan siyang umuwi na ang tanging dala ay handbag at dalawang kahon ng laruan para sa kanyang 10-taong gulang na anak, dahil ang kanyang teenager na anak na si Raymart ay nabalitaan niyang napatay. Kailangan pa niyang lumuhod at halikan ng tatlong beses ang paa ng kanyang amo at iwan ang kanyang mga gamit doon para lamang payagan siyang makauwi ng bansa.
Pinuntahan niya ang barangay hall ng Navotas at kinumpronta ang mga opisyal doon, kabilang na ang desk officer na si Cariquitan. Hinayaan ninyo, aniya, ang kapitbahay namin na gumawa sa inyo ng maling paratang sa aking anak na hindi ninyo inimbestigahan kung ito ay totoo. Ang kapitbahay na binanggit niya ay kilala lamang sa alyas na “Pejie” na nakaalitan ng kanyang anak na siyang nagreklamo sa barangay na si Raymart ay nagbebenta umano ng marijuana.
Nang sumunod na gabi sakay sa mga motorsiklo, dumating ang 14 na lalaki at apat sa mga ito ay pumasok sa kanilang bahay at hinahanap si Raymart. Wala ito noon, pero nakita nila ito sa kalapit na bahay ng kaibigan at puwersahan nilang kinaladkad. Bawat taong madaanan nila ay hinihingan niya ng tulong. Nang makarating sila sa Bangkulasi, pinababa siya at pinatatakbo. Hindi ito makatakbo dahil isinilang ito na deformed ang mga paa. Pinaupo na lang siya, at saka siya binaril. Ayon sa Navotas police report, dalawang ulit siyang binaril sa ulo ng mga salarin at binali ang kanyang dalawang kamay.
“Nagtatrabaho ako sa ibang bansa,” wika ni Luzviminda, “para sa kinabukasan ng aking mga anak, pero ito ang aking dadatnan, patay na anak.” Nalaman niya raw ang pangyayari sa mensaheng ipinadala sa kanya ng kanyang pamangkin sa Facebook na nagsabing wala na si Raymart, pinatay siya ng mga taong nakasuot ng bonnet.
Walang hindi magdurugo ang puso sa pangyayari lalo na sa hitsura ng ina sa litratong inilathala sa isang pahayagan na namimighati habang yakap-yakap ang kabaong ng kanyang anak. Ang hitsura niya noong siya ay umiiyak na yumakap sa kanyang kuya sa airport at ang hitsura niya nang hinihingan niya ng paliwanag ang mga opisyal ng barangay. Bakit, aniya, noong una ay wala sa watch list ang kanyang anak, ngayon, nasa watch list na?
Sa misa bago inihatid ang labi ng kanyang anak sa huling hantungan, sa sermon ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, nakaluhod siyang nakikinig at lumuluha.
“Sa mga pumatay,” wika ng pari, “kahit tinakpan na ninyo ang inyong mukha, kilala kayo ng Panginoong Diyos.”
Marami pang mangyayaring ganito dahil, ayon kay Pangulong Duterte, matatapos lang ang kanyang pakikidigma laban sa droga kapag nabuwal na ang kahuli-hulihang sangkot dito. Hindi umano siya mangingiming gawin ito lalo na’t “very good” ang kanyang approval rating sa mamamayan, ayon sa SWS survey.
Pero, mahalagang iparating sa Pangulo ang binitiwang salita ng ina sa Our Lady Lourdes Eternal Park kung saan inilibing ang kanyang anak. Gusto raw niyang malaman mula sa Ginoong Pangulo kung ang pangkaraniwang mamamayan, lalo na ang mahihirap, ay may karapatan pa sa katarungan? (Ric Valmonte)