AWARE ang halos lahat na malapit kay Albie Casiño na may sakit siyang dyslexia. Anim na taon pa lang daw si Albie at nasa grade one nang malaman ng pamilya nila ang karamdaman niyang ito.
Kuwento ni Albie, hirap na hirap siyang makabasa.
“Sa totoo lang naman, eh, mahusay ako sa mga oral recitations pero pagdating sa pagbabasa, eh, talagang hirap na hirap ako at hanggang sa mag-Grade IV na ako, eh, hirap talaga akong magbasa,” sey ni Albie.
Gayunpaman, masaya pa rin si Albie dahil sa buong suporta sa kanya ng pamilya niya. Kailanman, hindi siya pinabayaan ng mga ito.
“Sa magagandang eskuwelahan nila ako pinaaaral at talagang ikinukuha nila ako ng tutors para matutukan ko talaga ang pag-aaral ko lalung-lalo na ang pagbabasa. Kaya ‘yun, napaglabanan ko ang sakit kong dyslexia.
“Madali lang naman, basta bukod sa suporta ng mga mahal mo sa buhay, eh importante rin talaga, eh, aware ka sa sakit na ito at alam mo kung paano mo ito lalabanan at haharapin,” seryosong banggit ng actor.
Dahil din sa sakit niyang ito medyo hirap din siya sa pagbabasa at pagmemorya ng mga linya sa script. Pero may mga director na nakauunawa at hinahayaan na lang daw si Albie na gumawa ng paraan at gumamit ng sarili niyang linya.
“May mga istrikto pa rin na pagdating sa pagdedeliber ng mga linya sa script. Kaya kailangan ko lang na mas paghusayin ang aking ginagawa, kasi siyempre, gusto ko itong ginagawa ko, kaya dapat lang na tanggapin at pagbutihin ko,” banggit pa ni Albie.
Samantala, masaya ang love love nila ngayon ng kasintahan niyang model na si Michelle Arceo. (Jimi Escala)