Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ng Abu Dhabi ang pagkamatay ng apat na Pilipino at pagkasugat ng dalawang iba pa sa aksidente habang nagbi-Visita Iglesia sa United Arab Emirates (UAE) nitong Biyernes Santo.
Nasa morgue na ng Khalifa Hospital ang mga labi nina Veronica Dulay, Daniel Paulo Paraiso, Ian Elli at Marvin Mendoza.
Ginagamot naman sa ospital ang kapatid ni Paraiso na si Ana Paula at kapatid ni Mendoza na si Mary Ann.
Sa inisyal na ulat na nakarating sa Embahada ng Pilipinas sa Dubai, naganap ang madugong aksidente, umaga ng Abril 14. Pumutok ang gulong ng sasakyan ng magkakaibigan sa Al Shahama sa Abu Dhabi kaya’t bumaba sina Dulay, Daniel, Marvin at Ian para suriin ito. Subalit isang humaharurot na sasakyan ang bumangga sa nakahinto nilang sasakyan mula sa likuran, na ikinamatay ng apat at ikinasugat ng dalawang biktima.
Sugatan ding dinala sa Khalifa Hospital ang driver ng nakabanggang sasakyan. (Bella Gamotea)