Nasawi ang isang flight instructor matapos umano itong tumalon mula sa isang lumilipad na eroplano habang nasa kalagitnaan ng isang training flight kasama ang kainyang estudyante.
Kinilala ng mga awtoridad ang nasawi na si Leandro Andrés Bertazzo, 42-anyos, na nagsisilbing flight instructor sa isang flying school sa Córdoba, Argentina.
Ayon sa mga ulat, sakay ni Bertazzo ang isang Cessna 150 aircraft kasama ang kaniyang 22-anyos na estudyanteng si Rosario nang mangyari ang insidente.
Bago umano tumalon mula sa eroplano, iniwan ni Bertazzo ang mensahe sa kaniyang estudyante.
"You know what you have to do, carry on,” aniya.
Matapos nito ay tinanggal umano ng instructor ang kaniyang headset at seatbelt bago buksan ang pinto ng eroplano at tumalon habang nasa himpapawid.
Sa kabila ng matinding pagkabigla, nagawa ng estudyanteng na mapanatiling kontrolado ang eroplano at matagumpay itong naipalapag nang ligtas nang walang naiulat na pinsala sa eroplano.
Ayon kay Eduardo Álvarez, direktor ng Flying Parrot Córdoba flying school kung saan nagtatrabaho si Bertazzo, wala silang napansing anumang senyales na may balak ang instructor na gawin ang naturang hakbang.
Nauna pa umanong nagsagawa ng flight session si Bertazzo kasama ang isa pang estudyante bago ang insidente.
"He made this tragic decision on board an aircraft with another person by his side," ani Álvarez.
"It’s impossible to think about it or understand it, but the human mind is so complex,” saad pa niya.
Inilarawan din ni Álvarez si Bertazzo bilang isang mabuting tao at mahusay na instruktor.
Ipinaliwanag din niya na hindi madaling buksan ang pinto ng isang eroplano habang nasa himpapawid dahil sa malakas na pressure at hangin, na inihalintulad niya sa pagtatangkang buksan ang pinto ng isang sasakyang tumatakbo nang 200 kilometro kada oras.
Matagal nang nagtuturo ng pagpapalipad si Bertazzo at mayroon ding karanasan bilang flight instructor sa Chile bago bumalik sa Argentina.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang eksaktong pangyayari at mga dahilan na humantong sa pagkamatay ng flight instructor.