MANAMA, Bahrain – Dumating si Pangulong Rodrigo Duterte sa Bahrain International Airport, Miyerkules ng gabi (Huwebes ng umaga sa Manila) para simulan ang kanyang tatlong araw na pagbisita sa maliit na kahariang Arab sa Persian Gulf.

Sinalubong si Pangulong Duterte sa paliparan sa Muharraq, isang isla may 7 kilometro ang layo mula sa hilagang silangan ng kabiserang Manama, ni Pilippine Ambassador to Bahrain Alfonso Ver at ni Bahrain Deputy Prime Minister Shaikh Ali Bin Khalifa Al Khalifa.

Walang nakatakdang mga aktibidad kasunod ng kanyang pagdating upang mabigyan ng sapat na panahon ang Pangulo na makapagpahinga.

Magsisimula ang araw ng Pangulo kinabukasan ng umaga sa pribadong tanghalian na inihanda ni Bahrain Deputy Prime Minister Shiekh Ali Bin Khalifa Al Khalifa, sa Ritz Carlton Hotel.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Dakong 8:00 ng gabi idadaos ang official welcome ceremony para kay Pangulong Duterte na gaganapin sa Sakhir Palace.

Agad itong susundan ng bilateral meeting kasama si His Majesty, King Hamad bin Isa Al Khalifa, King of Bahrain. Ilang kasunduan ang lalagdaan bago ang official dinner sa palasyo.

Sa ikatlong araw niya rito, makikipagpulong ang Pangulong Duterte kay Prince Salman Bin Hamad Bin Isa Al Khalifa, Deputy King at Crown Prince of Bahrain sa Bahrain International Circuit. (Roy C. Mabasa)