Tumagal ng 12 oras ang pangho-hostage ng pinaniniwalaang bangag na ama sa kanyang pitong taong gulang na anak na lalaki sa Barangay Bugo, Cagayan de Oro City, Misamis Oriental, nitong Miyerkules ng hapon.

Ayon kay Chief Insp. Mardy Hortillosa, tagapagsalita ng Cagayan de Oro City Police Office (COCPO), dakong 2:30 ng hapon nitong Miyerkules nang magsimula ang hostage drama sa Apeke Street, Barangay Bugo, Cagayan de Oro City, na nagtapos bandang 1:30 ng umaga kahapon.

Kinilala ang suspek na si Richard Roque, 32, hiwalay sa asawa at nakatira sa Apeke St., Bgy. Bugo.

Ayon sa pulisya, pinaniniwalaang bangag sa droga ang suspek nang ikinandado ang sarili at ang kanyang anak sa loob ng kanilang kuwarto dala ang isang matalas at mahabang kutsilyo.

Probinsya

Ash falls dulot ng bulkang Kanlaon, naranasan sa ilang bahagi ng Negros Occidental

Sa mahigit 12 oras na negosasyon ng mga awtoridad sa suspek, humingi ito ng iced tea, bubble gum at sigarilyo.

Sa matiyagang pakikipagnegosasyon ni Supt. Roy Bahian, hepe ng COCPO, sa tulong ng mga opisyal ng barangay at dating asawa ni Roque, napasuko ang huli at nabawi sa kanya ang bata. (Fer Taboy)