Pumasok na sa Philippine area of responsibility kahapon ang low pressure area (LPA) na nasa Pacific Ocean at posibleng maging ganap na bagyo sa loob ng 24-oras.
Natukoy ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang LPA sa 900 kilometro sa silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur bandang 10:00 ng umaga kahapon.
Magdudulot ng malakas na ulan ang sama ng panahon sa dadaanan nito, partikular sa Biliran, Leyte, Northern Samar, Samar, Eastern Samar, Southern Leyte, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, Camiguin, Misamis Oriental, Lanao del Norte, Bukidnon at Misamis Occidental ngayong weekend.
Malaki ang posibilidad na tuluyang maging bagyo bukas, Sabado de Gloria, tatawagin itong “Crising”.
Una nang sinabi ng PAGASA na posibleng mag-landfall ang sama ng panahon sa Eastern Visayas bukas ng gabi bago tumawid sa Southern Luzon-Visayas area at lumabas sa Oriental o Occidental Mindoro sa Lunes ng umaga. (Ellalyn De Vera-Ruiz)