Niyanig ng 6.0 magnitude na lindol ang hangganan ng Lanao del Sur at Bukidnon kahapon ng madaling-araw, ilang araw ang nakalipas makaraang yanigin din ng magkakasunod na lindol ang bayan ng Mabini sa Batangas.

Sa pahayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), natukoy ang sentro ng lindol sa Wao, Lanao del Sur dakong 5:21 ng umaga.

Tumama ang lindol sa layong anim na kilometro ng Wao sa naturang lalawigan, at nasundan ng aftershocks na may lakas na 3-4 magnitude.

Sa report naman ng United States Geological Survey (USGS), nasa 5.8-magnitude ang naramdaman sa Osias, Bukidnon.

National

Ikinakasang rally ng INC kontra impeachment kay VP Sara, pinaghahandaan na ng MMDA

Naitala rin ang Intensity 4 sa Davao City, Cagayan de Oro City, Cotabato City, at Gingoog City sa Misamis Oriental.

Ayon sa provincial information officer ng Lanao del Sur na si Salma Jayne Tamano, naramdaman ang pagyanig sa apat na barangay sa Wao, at nagdulot ng dalawang malalaking bitak, nasa tatlo hanggang apat na pulgada ang lapad, sa national highway.

Sinabi pa ni Tamano na 30 bahay at dalawang mosque ang bahagyang napinsala sa Barangay Panang sa Wao.

(Rommel P. Tabbad at Ali G. Macabalang)