Hindi pa handa ang Bureau of Immigration (BI) na ipa-deport ang nahuling Kuwaiti na miyembro ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) at ang asawa nito hanggang sa matapos ng mga lokal na awtoridad ang pag-iimbestiga sa naging aktibidad ng mga ito sa bansa at matukoy kung nagkaroon sila ng koneksiyon sa mga lokal na teroristang grupo.

Sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente na sa kabila ng kahilingan ng Kuwait Embassy na ilipat sa kanila ang kustodiya nina Hussein Al Dhafiri at ang asawa nitong Syrian na si Rahaf Zina, ay hindi pa ipade-deport ang mga ito dahil hindi pa tapos ang imbestigasyon at mga prosesong legal laban sa mag-asawa.

Napag-alaman na si Al-Dhafiri, may balidong working visa, ay iniimbestigahan sa posibleng paglabag sa Philippine immigration laws habang ang asawa nito ay isinasailalim sa summary deportation proceedings bilang undocumented alien.

National

OLALIA-KMU, iginiit karapatan ng mga manggagawa na makapag-unyon

Naaresto ng BI intelligence agents ang mag-asawa sa Taguig City noong Marso. Si Al-Dhafiri ay pinaniniwalaang eksperto sa paggawa ng bomba habang ang kanyang asawa ay pinaniniwalaang biyuda ni Abu Jandal Al-Kuwaiti, na dating pangalawang pinakamataas na ISIS commander sa Syria.

Ayon sa Kuwaiti embassy, wanted si Al-Dhafiri sa terror activities at mga planong pagsasagawa ng terror attacks sa emirate.

Iniimbestigahan na rin ang kumpanya na kumuha sa Kuwaiti national para magtrabaho sa bansa. (Jun Ramirez)