Napatay ang isa sa dalawang holdaper makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng District Special Operation Unit (DSOU) sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Inilarawan ni PO3 Zaldy Notarte ng Quezon City Police District (QCPD) PS-6, ang nasawing suspek na nasa edad 25-30, 5’2” ang taas, nakasuot ng maong na pantalon at gray t-shirt at tsinelas.

Sa ulat ni Police Supt. Rogarth Campo, hepe ng DSOU, dakong 2:50 ng madaling araw nang makarating sa kanila ang impormasyon na nakatakdang pasukin ang isang convenience store sa Barangay Holy Spirit, Quezon City.

Ngunit, sa halip na convenience store, isang gasolinahan sa Commonwealth Avenue ang tinarget ng mga suspek na lulan sa motorsiklo.

National

CHIZmis lang daw? Pagkalas sa liderato ni SP Chiz, itinanggi ng ilang senador

Agad rumesponde ang mga tauhan ng DSOU, sa pangunguna ni Police Sr. Insp. Paterno Domondon, at inabutan nila ang mga suspek na papaalis na sa gasolinahan.

Hinabol ng awtoridad ang mga suspek ngunit sa halip na huminto ay nakipagbarilan pa umano ang mga ito sa mga pulis na ikinasawi ng nakaangkas na suspek habang nakatakas ang driver.

Narekober sa pinangyarihan ang isang caliber .45 Armscor, dalawang bala, P14,700 cash, dalawang pakete ng umano’y shabu. (Jun Fabon)