BATANGAS CITY – Para kay Emiliana Malibiran, magastos na ang P100 pasahe kada araw, ngunit kailangan niyang magbalik sa kanilang bahay sa Barangay Wawa tuwing umaga upang kumita ng pera.

Isang linggo nang nananatili sa Batangas Community Park sa Batangas City ang pamilya ni Malibiran dahil ito na ang nagsisilbing pansamantalang tirahan nila matapos ang magkakasunod na pagyanig sa lalawigan nitong Martes at Sabado.

“Tuwing umaga po bumabalik kami sa Wawa kasi namimili kami ng mga huling isda para ibenta sa palengke, tapos babalik na kami rito sa gabi,” kuwento ni Malibiran, na may dalawang anak at walong apo—ang pinakabata ay apat na buwan.

Bitbit ang kani-kanilang gamit at pagkain, gabi-gabing nagtitipun-tipon sa parke ang pamilya ni Malibiran at ang iba pa niyang mga kaanak sa takot na magsiuwi sa kani-kanilang bahay dahil sa matinding trauma sa pagyanig.

Probinsya

Ash falls dulot ng bulkang Kanlaon, naranasan sa ilang bahagi ng Negros Occidental

“Natatakot po kami, lalo na noong Sabado, sobrang lakas [ng lindol]. Nag-iiyakan ang mga bata dahil baka raw magka-tsunami. Baka po kasi bumagsak ‘yung mga bahay namin, malalaki na ang mga crack,” aniya.

Nitong Lunes, nagdagdag pa ng mga tent sa open field na bahagi ng parke malapit sa kapitolyo, samantala may sarili namang mga tent ang Philippine Red Cross (PRC)-Batangas para sa mga senior citizen, nagpapasusong ina, may kapansanan at mga bata.

“Sa dami po ng nagpupunta dito, hindi natin kaya i-accomodate lahat. Hanggang hindi nawawala ang aftershocks dito po muna ang mga tent,” sabi ni PRC-Batangas Chairman Ronald Generoso.

Nagpadala rin kahapon ang PRC ng mga psychosocial team sa Batangas City, Mabini at Tingloy—ang tatlong bayan na nasa state of calamity—upang makatuwang ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DoH) sa pagsasagawa ng stress debriefing.

Sa huling report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), anim na katao ang nasugatan habang 22,000 naman ang apektado ng pagyanig sa probinsiya.

Kinilala ni NDRRMC Executive Director at Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Ricardo B. Jalad ang mga nasugatan na sina Leonardo Magnaye, ng Mabini; Jerry Macuha, Maribel Aguado, Narding Castillo, at Diana Basca, pawang taga-Tingloy.

Batay sa datos kahapon, may kabuuang 796 na bahay ang napinsala ng lindol sa Batangas, 97 sa mga ito ang nawasak.

(Lyka Manalo at Francis Wakefield)