MAY mga komunista sa likod ng Kadamay, ayon kay Sen. Antonio Trillanes. Ang mga miyembro, kamakailan lang, ay inokupahan ang mga nakatiwangwang na pabahay para sa mga pulis at sundalo sa Pandi, Bulacan. Dahil sa ginawa nilang ito, nakagawa sila ng komunidad na mapamumugaran ng mga komunista, sabi ng Senador.
Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit sa mga mukha ng mahihirap nakikita ang komunista. Kapag sama-samang kumilos ang mga dukha upang ihanap ng lunas ang kanilang karukhaan, dahil ang gobyernong inaasahan nilang tutulong sa kanila ay manhid sa kanilang kalagayan, may nakikitang komunista ang iba sa likod nila.
Karapatan ng kahit sino ang magreklamo at umasa sa tulong ng kanilang gobyerno. Karapatan din nilang magbigkis-bigkis sa pagkilos upang epektibo nilang makamit ang kanilang nilalayon. Kasi, sa demokratikong lipunan, ang gobyerno ay instrumento ng taumbayan para maitaguyod ang kanilang kapakanan at mapabuti ang kanilang buhay.
Kung komunista ang mga taong ginagamit ang kanilang batayang karapatan, anong sama ang maging komunista? Sabi nga ng pinuno ng Kadamay: “Higit kong gugustuhing maging komunista kaysa bulok na pulitiko.”
Hindi isyu ang komunista sa ginawa ng Kadamay. Ang isyu ay ang hindi magandang ginagawa ng mga taong gobyerno. Bakit sa matagal na panahon, iniwan nilang nakatiwangwang ang mga pabahay at pinababayaang nasisira ang mga ito ng kalikasan? Ginastusan ang mga ito ng sambayanan, mayaman at mahirap. Kung totoong nakalaan na ang mga ito sa mga pulis at sundalo, bakit ayaw nilang gamitin? Kung ayaw ng napaglaaanan, bakit hindi ibigay sa may gusto na nasa kanilang hanay at kauri na malapit sa lugar ng mga unit?
Malaki ang maitutulong ni Sen. Trillanes sa bayan kung sa halip na hanapin ang mga komunistang nasa likod ng pagkilos ng Kadamay, ay magpa-imbestiga siya sa Senado at alamin kung bakit hindi maganda ang nangyayari sa pagpapairal ng gobyerno sa mga proyektong pabahay nito.
Paimbestigahan ang NHA at HUDCC at iba pang ahensiya ng gobyernong may kaugnayan o kinalaman sa proyekto. Ang hindi... magandang kalagayan ng proyekto ay inabutan na lang ni Pangulong Digong. Kaya, ang mauukilkil ng anumang imbestigasyong mangyayari ay ang ginawa ng mga nakaraang administrasyon. Naging daan din ba ang mga nasabing ahensiya para kikilan ang bayan? Maaari. Ang substandard na mga imprastruktura at ang bagal ng pagpapagawa sa mga unit ay nagpapakitang may anomalya ang proyekto. Hindi lahat ng inilaang pondo ay nagastos dito.
Sa halip na ituon ang pansin sa ginawa ng Kadamay, ituon ito sa mga ginawa ng mga nakaraang administrasyon, lalo na kung paano nila ginamit ang salapi ng bayan para sa proyekto. (Ric Valmonte)