NILINAW ni Mark Herras pagkatapos ng presscon ng D’Originals na hindi totoong nag-propose na siya kay Winwyn Marquez nang magbakasyon sila sa Japan. Nag-post kasi siya ng wedding ring sa kanyang Instagram. May mga natuwa, pero meron ding nang-bash sa kanya.
“Kaya ako naman ang nag-react dahil nag-assume sila na nag-propose ako kay Wyn, pero hindi naman,” sabi ni Mark.
“Sorry kung iyon ang akala nila. Pero sana hindi naman nila ako bina-bash. Hindi ko naman ikinaila na may bad image ako noon, pero inaayos ko na ‘yon at masasabi ko ngayon na naayos ko na. Ayaw ko lang mabahiran pa ng hindi magandang comments ang nakaraan ko.”
Naka-private ngayon ang kanyang Instagram account, dahil may nang-hack dito. Ayaw na rin muna niya itong i-open for public para matigil na ang nangba-bash sa kanya at baka mapatulan lang niya. Mas mabuti pa raw na ganoon dahil busy naman siya sa bago niyang show na katambal niya si LJ Reyes at mistress niya si Lovely Abella.
Pero napag-uusapan na ba nila ni Wyn ang pagpapakasal?
“Napag-uusapan na po namin pero hindi muna ngayon, siguro mga two years pa. Kaya lahat ng i-offer sa aking trabaho tinatanggap ko. Para makaipon ako. Alam ko namang hindi ako magtatagal sa showbiz, kaya ngayon pa lang pinagbubuti ko na ang trabaho ko. Gusto kong makaipon para sa magandang future na gusto kong maibigay kay Wyn. Thankful po ako na hindi ako pinababayaan ng GMA Network simula pa noong nanalo akong ultimate male winner ng first batch ng Starstruck.”
Starstruck winner din ang katambal niyang si LJ Reyes na una niyang nakasama sa I Love New York series na pinagtambalan nila ni Jennylyn Mercado. Ngayon lang sila muling nagtambal ni LJ at mag-asawa pa sila sa story.
Saan gugunitain nina Mark at Wyu ang Holy Week?
“Thankful po kami ni Wyn dahil kinuha kami ng GMA-7 para sa isang summer special na makakasama namin ang ilan pang couples. Hindi pa lang namin alam kung sinu-sino ang makakasama namin at kung saan ang out-of-town shoot namin. Ang maganda, nagbabakasyon na kami, may pay pa.”
Directed by Adolf Alix, Jr., ang D’Originals ay mapapanood na simula sa April 17 (Lunes), pagkatapos ng Legally Blind. (NORA CALDERON)