DAVAO CITY – Sinabi ng isang babaeng negosyante na inalok umano siya ng kampo nina Senator Antonio Trillanes IV at Senator Leila de Lima ng P1 milyon upang pumirma sa isang affidavit na magsasangkot kay Pangulong Duterte sa iba’t ibang bintang kabilang ang paggamit ng cocaine at pakikipagrelasyon sa isang beteranang mambabatas sa Davao City.

Tumanggi siya, sa kabila ng pagpayag niya noong una, nang makita na ang pipirmahan ay “full of lies.”

Sinabi ng businesswoman na si Guillermina Barredo Arcillas, na unang ipinakilala sa AFP/PNP Press Corps forum sa Royal Mandaya Hotel bilang Madam X, na inalok siya ng P1 milyon ng kampo ni Trillanes upang isangkot si Pangulong Duterte sa iba’t ibang kabuktutan.

Ang pagbabayad ay instalments ng P300,000 hanggang P500,000, depende kung ang testimonya ay makararating sa Senado o mas maganda kung sa International Criminal Court.

National

PBBM nagbabala kontra POGO, IGL: ‘Di na kailanman papayagang manalasa ang mga ito!’

Ang kampo, na konektado sa Liberal Party, ay nag-alok pa umano ng allowances na umaabot sa P30,000, sabi ni Arcillas.

Sinabi ni Arcillas na tumanggi siyang pirmahan ang 16-page document na may binabanggit na Davao City councilor na isa umano sa mga kabit ni Pangulong Duterte.

Ibinunyag ni Arcillas na si Councilor Pilar Braga, na namumuno sa committee on education ng Davao City Council, ang tinukoy sa affidavit na may relasyon kay Pangulong Duterte.

Pero ayon kay Arcillas, ito ay salungat sa katwiran, dahil siya ay kamag-anak ni Bragas, sa parte ng yumaong asawa nito.

Ayon kay Arcillas, ang abogado ng kasamahang whistleblower na si Edgar Matobato, si Atty. Jude Josue Sabio, ay naghanda ng 15 drafts ng testimonya sa tulong ng isang “Jonel” mula sa opisina ni Senator Trillanes.

Ang Jesuit na si Albert Alejo, na tinukoy ni Matobato bilang isa sa mga tumulong sa kanya nang ihanda ang testimonya, ay kinilala rin ni Arcillas na isa sa mga kumontak at ilang beses na nakipag-meeting sa kanya sa Manila.

(Yas D. Ocampo)