WALANG bayan sa mundo ang ganap na uunlad kung palaging umaasa sa ibang bansa. Hindi maaari na parati tayong nakasandal sa Amerika, Japan, at nitong bago lang, “tulong” mula sa China. Anong ipinagbago sa istilo ng ating pananaw sa sarili – na nagmumukhang pulubi at “feeling kawawa”. Pagdating sa mga suliranin, sa dayuhang bansa isinasangguni. Mistulang namamalimos para tulungan sa ekonomiya, tanggulan, at pagawaing-bayan. Ang nag-iiba lang sa telon ng pambansang ugnayang-panlabas ay kung aling banyagang pamahalaan ang nilalapitan o kusang umaayuda sa atin.
Isama na diyan ang pagbukas ng ating lipunan sa lahat ng uri ng dayo o estrangherong pamumuhunan.
Ito na lang ba talaga ang tunay na susi sa ating pag-unlad? Na para tayong nakasakay sa tsubibo, na kunyari ay may nangyayaring pag-abante sa kabuuan ng ating estado? Oo, may panandaliang benepisyong maituturing o solusyon, subalit ‘di pa rin tayo lubusang umuusad, dahil sa tanikala ng kamusmusan sa kaisipan na tumatanaw sa dayuhan upang umahon sa ating republika. Ganito ang kuwento ng ating bansa, tulad sa koro ng awit na, “dayuha’y nahalina” sa Pilipinas Kong Mahal. Paikut-ikot na lang tayo sa sariling aliwan. Dating “puting amo” sinasalisihan ng “sakang” o ano pang lahing maasahan, basta lang masabi na humakbang kaunti.
Hindi isinusulong sa pambansang kamulatan na kung nais natin makawala sa sirkulo ng kahirapan, mahalagang mangarap tayo – at kahit sino pang nakaupong pangulo – na maging industriyalisadong bansa ang Pilipinas. Magugunita na ang Japan, pagkatapos ng Pangalawang Digmaang Pandaigdig, pabrika ang inatupag. Pangongopya ng mga disenyo na pangkaraniwang kailangan, hanggang pati sa kotse, eroplano, barko atbp. ang iniluluwal sa mga pagawaan.
Ganito rin ang ginawa ng Korea, kaya napag-iwanan na tayo. Sa ngayon, China ang mahilig mangopya at manggaya ng mga produkto. Ang sekreto na ‘di na lihim ay ang pinag-asawang sangkap ng bakal, talino sa paggawa, at pagtayo ng mga pabrika sa bansa. Mga pagawaan ng bakal na kayang gumawa ng iba pang pabrika pati produkto, hal. kutsara, tinidor, kutsilyo, baril, sasakyan, atbp.
Hindi tayo makakatayo sa himlayang hinihigaan, basta ba OFW, produktong agrikultura at yaman ng lupa na lang, nilalako sa ibayong dagat. (Erik Espina)