Pumanaw ang 14-anyos na lalaki na isang person with disability (PWD) matapos umano itong pagtulungang saktan ng anim na kapwa menor de edad sa isang insidente sa Barangay BF Homes, Parañaque City.
Batay sa imbestigasyon, naganap ang pananakit sa isang overpass. Ayon pa sa mga awtoridad, kasama ng biktima ang isang kaibigan nang maganap ang insidente.
Makalipas ang ilang oras, natagpuan siyang nagtamo ng matitinding pinsala at agad na isinugod sa ospital.
Sa kabila ng isinagawang gamutan, binawian ng buhay ang biktima kinabukasan dahil sa mga tinamong sugat sa katawan.
Kaagad namang nagsagawa ng imbestigasyon ang mga barangay opisyal at pulisya matapos makatanggap ng ulat tungkol sa pangyayari. Sa tulong ng mga nakalap na impormasyon at mga saksi, natukoy ang anim na menor de edad na itinuturong sangkot sa pananakit.
Dinala ang mga suspek sa barangay hall para sa kaukulang proseso bago sila isinailalim sa pangangalaga ng mga kinauukulang ahensiya.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya sila ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng Bahay Pag-asa habang isinasagawa ang karagdagang imbestigasyon.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa insidente at ang eksaktong naging partisipasyon ng bawat sangkot na menor de edad.
Samantala, naghahanda na rin ang pamilya ng biktima ng mga hakbang upang maipursige ang paghahanap ng hustisya para sa kanyang pagkamatay.
Nagpaalala rin ang mga opisyal sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at alamin ang kanilang mga aktibidad sa labas ng tahanan upang maiwasan ang mga insidenteng maaaring humantong sa karahasan at trahedya.