July 23, 2026

Home BALITA

'They will have to pay the price!' US President Trump, inip na sa negosasyon nila ng Iran!

'They will have to pay the price!' US President Trump, inip na sa negosasyon nila ng Iran!
Photo courtesy: File photo

Muling uminit ang tensyon sa pagitan ng United States at Iran matapos ang serye ng pag-atake ng magkabilang panig, kung saan nagbabala si US President Donald Trump na “magbabayad” ang Tehran dahil sa umano’y kabiguan nitong makipagkasundo sa Washington sa tamang panahon.

Sa isang pahayag sa social media nitong Miyerkules, Hunyo 10, 2026, pinuna ni Trump ang Iran dahil sa mabagal nitong pakikipagnegosasyon kaugnay ng kasunduang layuning wakasan ang nagpapatuloy na sigalot sa rehiyon.

“Iran is all talk and no action. They've taken too long to negotiate a deal that would have been great for them, now they will have to pay the price!!!” ani Trump.

Ang pahayag ng pangulo ay dumating matapos maglunsad ang Iran ng missile at drone attacks laban sa mga base militar ng US sa Jordan, Kuwait, at Bahrain. Ayon sa Tehran, ito ay tugon sa mga isinagawang pag-atake ng Amerika sa ilang target ng Iran malapit sa Strait of Hormuz.

Bago nito, sinabi rin ni Trump na pinabagsak umano ng Iran ang isang US Apache helicopter malapit sa naturang estratehikong daanan ng langis. Ayon sa militar ng Amerika, nailigtas ang dalawang sakay ng helicopter matapos ang insidente.

2 PH Navy na pinukpok sa ulo ng CCG, makatatanggap ng tig-₱100k!

Bilang tugon, sinabi ng US military na tinarget nila ang ilang Iranian air defense systems, ground control stations, at surveillance radar sites sa isang operasyong inilarawan nilang “proportional response.”

Ang panibagong sagupaan ay isa sa pinakamalalaking paglala ng tensyon mula nang magkasundo ang Washington at Tehran sa isang ceasefire noong Abril.

 Nagdulot din ito ng pangamba sa posibilidad na tuluyang mabigo ang mga usapang pangkapayapaan upang wakasan ang digmaan na nagsimula noong Pebrero 28 matapos ang magkasanib na pag-atake ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran.

Samantala, sinabi ng tagapagsalita ng Iranian Foreign Ministry na muling rerepasuhin ng kanilang gobyerno ang pakikipag-ugnayang diplomatiko sa Estados Unidos.

“Any diplomatic process requires a minimum stable environment,” pahayag ni Iranian Foreign Ministry spokesperson Esmaeil Baghaei.

Dahil sa panibagong tensyon, tumaas ng halos dalawang porsiyento ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado habang bumagsak naman ang ilang stock market indices sa iba’t ibang bansa.

Iniulat din ng isang international news outlet na posibleng mag-utos si Trump ng panibagong pag-atake laban sa mga power plant at tulay sa Iran kung hindi ito kikilos upang maisulong ang kasunduan.