Dahil hinding-hindi niya kukunsintihin ang kurapsiyon, muli na namang nagsibak ng kawani si Pangulong Duterte sa hinalang sangkot ito sa katiwalian.
Inihayag kahapon ng Presidente na sinibak niya ang isang undersecretary dahil sa pagpupumilit sa irregular na pag-aangkat ng bigas kahit pa ipinagbabawal na niya ito.
Bukod dito, dalawa pang undersecretary ang sisibakin sa kani-kanilang puwesto, ayon kay Duterte.
“Papunta ako dito. Pa-landing ako dito, sabi ko, ‘Tawagan mo ang Malacañang. She’s fired so pangalawa siya. May dalawa pang undersecretary,” sinabi kahapon ng Pangulo sa kanyang pagbisita sa Nueva Ecija.
“So bale at the end of the day mamaya, meron nang mga lima in a week. Kaya hindi ako magdadalawalang-isip [na sibakin ka]. Maski kaibigan kita,” sabi ni Duterte.
Kahapon, hindi pinangalanan ni Duterte ang nasabing mga opisyal ng gobyerno ngunit nagparunggit na ang unang sinibak ay “holder” mula sa nakalipas na administrasyon. (Genalyn D. Kabiling)