July 24, 2026

Home BALITA

Nagpakilalang miyembro ng NAPOLCOM na napikon sa TNVS driver, nanuntok ng baril!

Nagpakilalang miyembro ng NAPOLCOM na napikon sa TNVS driver, nanuntok ng baril!
Photo ocurtesy: Unsplash

Isang 59-anyos na lalaki na nagpakilalang empleyado ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang inaresto matapos umanong maglabas ng baril at magbanta sa isang transport network vehicle service (TNVS) driver kasunod ng isang insidente sa EDSA.

Batay sa imbestigasyon, nagkaroon ng banggaan ang sasakyan ng suspek at ng 42-anyos na TNVS driver sa northbound lane ng EDSA malapit sa Asian Development Bank. Naganap umano ang insidente habang sinusubukan ng driver na lumipat ng linya.

Matapos ang banggaan, dumating ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at inilipat ang dalawang sasakyan sa gilid ng kalsada upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko. Doon umano naganap ang komprontasyon kung saan inilabas ng suspek ang kanyang baril.

Agad na humingi ng tulong ang biktima sa mga pulis na naka-duty sa lugar, na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek. Dinala siya sa Mandaluyong City Police Station para sa karagdagang imbestigasyon.

Narekober mula sa suspek ang isang 9mm pistol at isang identification card na may kaugnayan sa NAPOLCOM. Gayunman, sinabi ng pulisya na isinasailalim pa sa beripikasyon ang pagiging lehitimong empleyado nito sa ahensya gayundin ang mga dokumento ng kanyang baril.

National

US Pres. Trump, ipapaalam kay Chinese Pres. XI Jinping 'concerns' ng Pilipinas—Palasyo

Sinabi ni Mandaluyong City Police chief Police Colonel Reynan Patam na hinihintay pa rin nila ang resulta ng isinagawang breathalyzer test upang matukoy kung nakainom ng alak ang suspek bago ang insidente.

Samantala, kinondena ng NAPOLCOM ang insidente matapos makilala ang suspek bilang si Police Inspector III Jaime Hermogenes Jularbal Flores Jr., na nakatalaga umano sa Inspection, Monitoring and Investigation Service ng komisyon.

Ayon kay NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente Calinisan, agad niyang ipinag-utos ang pagsasagawa ng administrative investigation at tiniyak ang buong pakikipagtulungan ng ahensya sa anumang kasong kriminal na maaaring isampa ng mga awtoridad.

Humingi rin ng paumanhin ang NAPOLCOM sa biktima at iginiit na hindi nito kinukunsinti ang anumang uri ng pang-aabuso o hindi angkop na asal mula sa mga lingkod-bayan.

Pinuri rin ng komisyon ang mga pulis ng Quezon City Police District na mabilis na tumugon sa insidente at nagsagawa ng agarang aksyon.