Iginiit ni detained Sen. Jinggoy Estrada na hindi pa nawawala ang kaniyang kapangyarihang gampanan ang tungkulin bilang senator judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa kabila ng mga pahayag na hindi na siya maaaring makilahok sa paglilitis.
Sa isang pahayag na ipinadala ng kaniyang tanggapan sa mga mamamahayag noong Biyernes, Hunyo 12, 2026, sinabi ni Estrada na hindi pa pinal ang usapin kaugnay ng kaniyang pagkakasuspinde dahil nakabinbin pa ang mga kaukulang proseso at legal na hakbang na maaari niyang gamitin.
“The issue is far from settled,” ani Estrada.
Ayon sa senador, hindi pa niya naihahain ang kaniyang komento at pagtutol sa mga proceedings na may kaugnayan sa kanyang suspensyon. Dahil dito, aniya, hindi pa nararapat na sabihing wala na siyang awtoridad na gampanan ang kaniyang mga tungkulin bilang miyembro ng impeachment court.
“Until a final and binding ruling is rendered, any assertion that I have been stripped of my authority to discharge my constitutional duties as a senator judge is premature, baseless and undermines the integrity of the impeachment process itself,” dagdag niya.
Pinuna rin ni Estrada ang ilang personalidad na nagbibigay ng opinyon tungkol sa kaniyang partisipasyon sa impeachment trial, partikular ang mga nagsasabing hindi na siya maaaring magsilbing senator-judge.
“It is regrettable that some self-proclaimed legal experts appear more interested in shaping public opinion than in respecting the proper institutions and judicial processes tasked with resolving legal controversies,” aniya.
Binigyang-diin din ng senador na mayroon na siyang karanasan bilang senator judge sa nakaraang impeachment proceedings at pamilyar siya sa mga alituntunin at responsibilidad ng naturang tungkulin.
Sa kabila ng kaniyang pagkakadetine kaugnay ng kasong plunder na walang piyansa, sinabi ni Estrada na patuloy niyang igagalang ang legal na proseso at ipagtatanggol ang kanyang mga karapatan sa pamamagitan ng mga umiiral na remedyo sa batas.
“I hope that, especially those in the legal profession, do not preempt matters that should be decided by the proper authorities with their own interpretations,” sabi pa niya.