Sinisi kahapon ng Malacañang ang mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa kawalan ng tauhan sa mga immigration posts.

Ito ay makaraang aminin ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na dahil sa pagpapatigil ni Pangulong Duterte sa overtime pay ng mga tauhan ng BI sa mga airport ay marami sa mga ito ang nagsipag-resign o kaya naman ay naka-leave ngayon.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang 49 na posisyon sa Financial and Management Division at Administrative Division at ang 887 immigration officer at assistant position na idadagdag sa 1,203.

“The whole argument is that the DBM already acted on it. Now, the burden of response is now upon the BI officials, they have not accepted it,” sinabi ni Abella sa press briefing sa Malacañang kahapon ng umaga.

Padilla, binara si Castro kontra VP Sara: 'Ipagpaliban muna maduming pulitika!'

“They choose to stick to their guns about overtime pay. The Executive branch is saying, ‘we’ve already offered you, please act on it.’ However, up to this point, they have not,” ani Abella.

Sinabi ni Abella na ang desisyong ito ng BI ang nagbunsod upang humaba ang mga pila sa mga airport.

Aniya, nagpanukala na si DBM Secretary Benjamin Diokno kay BI Commissioner Jaime Morente at naghihintay na lang ang Malacañang sa desisyon ng BI.

Hanggang wala pang desisyon sa usapin, posibleng manatili ang mahahabang pila ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), partikular sa peak ng mga biyahe sa Semana Santa sa susunod na linggo.

Sa nakalipas na mga linggo, nasa 10 immigration officer ang absent sa bawat terminal ng NAIA, kaya naman napakahaba ng pila na ikinababahala hindi lamang ng mga airport at tourism official kundi maging ng mga nangangasiwa sa seguridad ng bansa.

Nauna nang inihayag ni Aguirre ang pagkabahalang ito, sinabing nasa 30 immigration officer na ang nagbitiw sa tungkulin habang 50 naman ang naka-leave dahil sa kawalan ng overtime pay.

Inamin din kahapon ni Aguirre na walang napala ang pagdulog niya sa Gabinete nitong Lunes ng gabi para mabayaran ang OT pay ng mga kawani ng BI. (Argyll Cyrus Geducos, Jun Ramirez at Beth Camia)