Iniimbestigahan ngayon ang dalawang police colonel dahil sa pagkakasangkot umano sa pagbibigay ng proteksiyon sa illegal numbers game sa Central Visayas.

Kinumpirma ni Senior Supt. Chiquito Malayo, hepe ng Counter-Intelligence Task Force (CITF), na nakatanggap siya ng mga reklamo laban sa dalawang matataas na opisyal ng pulisya na may ranggong Superintendent (katumbas ng Lieutenant Colonel sa militar) ngunit tumangging magbigay ng iba pang mga detalye habang wala pang pinal na report.

Kinumpirma rin ni Malayo na isang police sergeant, sa Central Visayas din, ang iniimbestigahan sa kaparehong alegasyon.

“Their cases are still under investigation so we cannot really reveal more details about the case because we are strictly following a process,” ani Malayo.

Probinsya

Centennial bust ni NA F. Sionil Jose, inilantad sa publiko

Sinabi naman ni retired military general, Alexander Balutan, general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), na ang kanyang tanggapan ang nagpaalam sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ng tungkol sa umano’y extortion racket ng tatlong pulis.

“We immediately brought to the attention of the PNP the report about the alleged activities. We also requested for them to be transferred to prevent them from influencing the investigation,” ani Balutan.

Sa ngayon, nakatalaga ang tatlong pulis sa magkakahiwalay na unit sa Mindanao.

Sinabi naman ni PCSO Chairman Jose Jorge Corpuz na ang insidente ay iniulat ng mga lehitimong gambling operator sa Central Visayas noong Marso 12.

“Our agent in Central Visayas informed us about this case and we were told that these policemen are allegedly protecting and collecting money from illegal gambling activities there,” ani Corpuz, idinagdag na ang nasabing impormasyon ay nakumpirma na ng CITF. (AARON B. RECUENCO)