Kasunod nang ipinatupad na smoking ban ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada, ipinasa ng Sangguniang Panglungsod ang bagong anti-smoking ordinance sa lungsod na may mas mataas na multa at isinama na rin ang vaping.

Ayon kay Estrada, inaasahan niyang makatutulong ang Ordinance No. 7812 na kontrolin ang paninigarilyo at magsimula na ng healthy lifestyle ng mga Manilenyo tulad ng pagtigil niya sa paninigarilyo matapos siyang maospital noong Disyembre.

“We don’t have to remind everyone, again and again, that smoking is bad for your health. Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?” ani Estrada. “But with this new ordinance that carries heftier fines and penalties, I’m expecting that smokers, at least, will have to think twice before lighting a cigarette. Warning na ito sa inyo.”

Sa en banc session nitong Marso 30, ipinasa ng Sangguniang Panglunsod ang Ordinance No. 7812 o ang “Smoke-Free Ordinance of the City Government of Manila”, na inakda ni Councilor Casimiro Sison. Layunin nitong palakasin pa ang Ordinance No. 7748 na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong gusali at lugar tulad ng ospital, paaralan, shopping mall, restaurant, bar, at iba pa.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Sa ilalim ng bagong ordinansa, ipagbabawal na ang paninigarilyo sa mga gusali ng gobyerno o pinamamahalaan ng City Government. Bawal rin ang pag-iingat ng anumang produktong tabako, maging ang nauuso ngayon na vape o electronic cigarette.

Ang lalabag sa bagong ordinansa ay papatawan ng multang P2,000 o isang araw na pagkakakulong sa first offense; P3,000 at dalawang araw na kulong sa second offense; at P5,000 at tatlong araw na kulong sa third offense. Malayo ito sa Ordinance No. 7748 na nagpapataw lamang ng P300 multa at hanggang dalawang araw na pagkakakulong sa mga lumalabag.

(Mary Ann Santiago)