ST. PETERSBURG (Reuters/AP) – Sumabog ang bomba sa isang tren sa St. Petersburg nitong Lunes na ikinamatay ng 14 na katao at ikinasugat ng mahigit 40 iba pa.
Bumisita si Russian President Vladimir Putin, nasa lungsod nang maganap ang pag-atake, sa lugar kinagabihan ng Lunes at nag-alay ng bulaklak sa mga biktima.
Wala pang umaako sa pagsabog at hindi pa rin matukoy ng mga awtoridad kung ito ay suicide bombing o kung nakatakas ang suspek.
Nangyari ito sa tanghali habang bumibiyahe ang tren sa mga istasyon sa north-south line ng lungsod. Iniwan ng salarin ang tinatayang isang kilong pampasabog na nakalagay sa backpack sa Vosstaniya Square station.
Pinuri ng mga awtoridad ang desisyon ng driver na magpatuloy sa susunod na istasyon sa Technological Institute, kung saan naging mabilis ang pagresponde at nabawasan ang panganib sa mga pasahero
Sinabi ng National Anti-Terrorist Committee na makalipas ang dalawang oras ay isa pang pampasabog ang natagpuan sa isa pang istasyon ng tren at nakatago ito sa fire extinguisher.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad at sinusundan ang anggulo na isang Russian citizen na isinilang sa Kyrgyzstan ang suspek, iniulat ng Interfax news agency ng Russia
Kinumpirma ng Kyrgyzstan State Committee for National Security kahapon na isa sa mga suspek ay kinilalang si Akbarzhon Dzhalilov, nasa edad 21 hanggang 22-anyos, ngunit hindi pa nila mabatid ang papel nito sa pambobomba.
Ang Kyrgyzstan, isang bansa ng karamiha’y Muslim sa Central Asia, ay mayroong anim na milyong populasyon at malapit na kaalyado ng Russia.
Ang St. Petersburg, isang pangunahing tourist destination na bantog sa kanyang magagarang palasyo at mararangyang art museum, ay nakaligtas sa maraming pag-atake sa nakalipas.
“From now on, I will be scared to take the subway,” sabi ni Marina Ilyina, 30, na nagdala ng bulaklak sa istasyon. “We in St. Petersburg thought we wouldn’t be touched by that.”
WALANG PINOY
Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Pilipinong nadamay sa pagsabog ng isang tren sa St. Petersburg, Russia nitong Lunes.
Sinabi ni Ambassador Carlos Sorreta ng Philippine Embassy sa Moscow, na puspusan ang pakikipag-ugnayan nila sa Russian Ministry of Emergency Situations at Konsulado ng Pilipinas sa St. Petersburg upang mahigpit na masubaybayan ang sitwasyon.
Pinaalalahanan niya ang mga Pilipino sa Russia na mag-ingat at makipag-ugnayan sa embahada sa +7 499 241 0563, +7 906 738 2538 o mag-email sa [email protected] at https://www.facebook.com/moscowpe. (Bella Gamotea)