Patay ang isa sa dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na umano’y responsable sa kaliwa’t kanang patayan sa North Caloocan, matapos makipagbarilan sa mga pulis, kahapon ng madaling araw.
Inilarawan ang suspek na nasa edad 35-40, katamtaman ang katawan at may taas na 5’7” habang nakatakas naman ang kanyang kasabwat na sakay sa motorsiklo.
Ayon sa report, hindi huminto ang mga suspek sa checkpoint ng mga tauhan ng North Caloocan Police sa Phase 8-A, Package 11, Barangay 176, Bagong Silang, Caloocan City, dakong 3:00 ng madaling araw.
Dahil dito, nagkaroon ng habulan sa pagitan ng awtoridad at ng mga suspek hanggang sa pinaputukan ng dalawa ang mga pulis.
Napilitang gumanti ang mga pulis dahilan upang tamaan at mamatay ang nakaangkas na suspek.
Ayon kay Police Sr. Supt. Chito Bersaluna, hepe ng Caloocan Police, ang dalawang suspek ang itinuturong nasa likod ng sunud-sunod na patayan sa Bagong Silang. (Orly L. Barcala)