Kinasuhan kahapon sa Department of Justice (DoJ) ang dalawang pinaghihinalaang miyembro ng sindikato sa droga makaraan silang arestuhin ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong linggo sa Maynila kung saan sila nakuhanan ng P120 milyon halaga ng ilegal na droga.
Kinilala ni NBI National Capital Region (NBI-NCR) Regional Director Cesar Bacani ang dalawang inarestong suspek na sina Edris Bolug Macalabo at Arvin Belleza Zapanta.
Sina Macalabo at Zapanta ay isinailalim sa inquest proceedings dahil sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 in relation to Section 26 of Republic Act 9165, Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, pati na rin ang paglabag sa Section 28 ng R.A. 10591, ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Inaresto ng mga operatiba ng NBI-NCR sina Macalabo at Zapanta malapit sa Manila North Harbor sa Tondo, Maynila nitong Sabado, dakong 2:00 ng hapon.
Nakuha sa mga suspek ang 19.831 kilo ng methampethamine hydrochloride o shabu na isinilid sa 24 na plastic bag.
Bukod sa ilegal na droga, nakuha rin ng NBI mula sa mga suspek ang sampung piraso ng .45 caliber pistol, sampung piraso ng .38 caliber revolver, limang 9mm submachine gun, sampung 9mm magazine clip, 19 na .45 caliber magazine, apat na suppressor para sa 9mm, at 30 9mm live ammunition. (Jeffrey G. Damicog)