Nasa balag na alanganin ngayon ang isang pulis sa Bulacan matapos umanong magpaputok ng baril nang makipag-away dahil sa mikropono sa isang bar sa Novaliches, Quezon City, nitong Linggo ng gabi.

Ikinasa na ng Quezon City Police District (QCPD) ang manhunt operation laban kay Police Officer 1 Ruby Rosario, nang barilin niya ang dalawa sa kanyang mga kaibigan dahil sa pagtatalo sa isang bar sa Barangay Bagbag, bandang 9:00 ng gabi

Base sa imbestigasyon, nakikipag-inuman si Rosario sa kanyang mga kaibigan na sina Roy Evangelista, Allen Banaria, at Richard Carreon sa Millenium Billiards sa kahabaan ng Quirino Highway.

Sa gitna kanilang pagbibiruan, isang lasing na lalaki, kinilalang si Ruel Ocampo, ang lumapit sa kanila at tinangkang hiramin ang mikropono para kumanta.

National

CHIZmis lang daw? Pagkalas sa liderato ni SP Chiz, itinanggi ng ilang senador

Noong mga oras na iyon, si Rosario, na marami na rin ang nainom, ang may hawak ng mikropono. Ayon sa awtoridad, tumanggi si Rosario na ipahiram ang mikropono kay Ocampo, na naging sanhi ng mainitang pagtatalo at nagpalitan ng masasakit na salita ang magkabilang kampo.

Maya-maya’y ipinakita ni Rosario ang kanyang baril, ngunit tinangka itong kunin ni Ocampo mula sa kanya. Sa pag-aagawan ng dalawa sa baril, kinalabit ng pulis ang gatilyo at tuluyang tinamaan sina Banaria at Carreon sa daliri at kaliwang balikat, ayon sa pagkakasunod.

Pagkatapos na pagkatapos ng insidente, mabilis na umalis si Rosario sa lugar.

Nananatiling nakaratay sa Quezon City General Hospital ang mga biktima, ayon sa pulis.

Ayon kay QCPD director Guillermo Eleazar, inihahanda na nila ang kasong kriminal at administratibo laban kay Rosario.

(VANNE ELAINE P. TERRAZOLA)