P5 bilyon alok ng PSC para sa RMSC.
NANINDIGAN si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch Ramirez na hindi madedehado ang atletang Pinoy sa sandaling matuloy ang pagbenta ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa makasaysayang Rizal Memorial Sports Complex.
Iginiit ni Ramirez na hinihintay lamang ng PSC ang counter-offer ng pribadong kumpanya na interesadong gawing ultra-modern residential and shopping complex ang 10 ektaryang lupain sa panulukan ng Vito Cruz at Adriatico St,. sa Manila.
“I was authorized by President Duterte to negotiate. Nag-alok sila ng P2.5 billion, but after consultation with our legal team, the Department of Justice and Executive Secretary Salvador Medialdea, we counter-offer P5 billion, wala pa silang sagot dyan,” pahayag ni Ramirez.
“Isa na lamang ang kailangan nilang sagutin dyan we have a deal or no deal,” aniya.
“Once na magkasundo, we will proceed in our plan to build a new sports complex in Clark as well as to refurbish other facilities such the Philsports in Pasig and the training site in Baguio City,” sambit ni Ramirez.
Aniya, ang P5 bilyon na makukuha ng ahensiya ay malaking ayuda para sa katuparan ng PSC na makapagtayo ng makabagong training facility na magagamit hindi lamang sa pagsasanay bagkus para maging tahanan ang Philippine Sports Institute (PSI) kung saan kabilang sa programa ang pagbibigay ng sapat na kaalaman sa mga trainors at coach hingil sa tamang sistema para sa pagpili at pag-develop ng mga kompetitibong atleta.
Nilinaw ni Ramirez na hindi ang PSC bagkus ang Lungsod ng Maynila ang nangunguna sa pagbebenta ng RSMC.
“Care taker lang tayo at ang City of Manila ang may-ari nito. Pero hindi ibig sabihin papayag tayo na maibenta ito na walang kapalit na kapakinabangan sa ating mga atleta at sa sports in general,” sambit ni Ramirez.
“Hindi kami ang nakikipag-usap sa buyer. Ang Lungsod ng Maynila ang aming kausap. They have the title but we have also rights,” sambit ni Ramirez.
Sa ilalim ng ‘usufruct agreement’, tatanggap ang government sports agency nang bahagi sa pagbebentahan ng RSMC.
Ilang sektor, gayundin ang Philippine Olympic Association at Heritage Commission ang tahasang tumutuligsa sa pagbebenta ng RSMC dahil sa taglay nitong kahalagahan sa kasaysayan ng bansa. Naitayo ito noong 1938, ngunit nasalanta ng maganap ang World War 2 noong 1945. Muli itong, binuo noong 1953 at ilang ulit na ring isinaayos para manatiling nakasunod sa world-standard sa pagsasanay ng mga atleta.
“The ball is on the hands of City of Manila. They own the property, but under the ‘usufruct agreement’ the PSC is entitled to receive portion of the sale. Our duty is to protect the athletes and make sure na hindi matitigil ang kanilang training,” sambit ni Ramirez.
Sakaling magkasundo, sinabi ni Ramirez na handa silang magtayo ng bagong training facility sa Clark Green City sa pamamagitan ng Bases Conversion Development Authority.
Ayon kay PSC commissioner Arnold Agustin, head ng PSC building and facility department, ang P5 bilyon ay sapat na para maponduhan ang pagtatayo ng sports complex, athletes dormitories, gymnasium at iba pang pangangailangan ng mga atleta.
“Totoo naman na makasaysayan na itong RSMC, pero sa haba nang panahon at sa pagbabagong naganap sa kapaligiran, kailangan na talagang ilipat ang training center ng ating mga atleta and Clark is the best option. May international airport na rito para sa access during international hosting,” sambit ni Agustin.
Nauna nang naipahayag ng Razon group ang interest na idevelop ang 82-anyos na RMSC sa isang ultra-modern shopping and residential complex. Sinabi rin ng grupo na iprepreserba ang ilang bahagi nito na tunay namang may ‘historical value’ tulad ng basketball court at football field. (Edwin G. Rollon)