MACTAN, Cebu – Mahigpit ang seguridad na ipinatutupad para sa meeting ng mga finance ministers and central bank governors ng mga kasaping bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na nagbukas dito kahapon.
Mahigit sa 2,500 pulis, sundalo, Coast Guard at bumbero ang naatasang magbantay sa mga delegado at mga bisita na dadalo sa pagpupulong, na magtatagal ng limang araw.
Pag-uusapan ng mga delegado kung paano paiigtingin ang financial integration at cooperation sa ASEAN.
Pamumunuan nina Finance Secretary Carlos Dominguez III at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Amando Tetangco Jr. ang meeting na gaganapin sa Shangrila Mactan Resort and Spa sa Lapu-Lapu City.
Kasama din sa pulong ang ASEAN Finance Ministers’ Investors Seminar (AFMIS).
Ngayong taon ang ika-50 anibersaryo ng ASEAN, na binubuo ng Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, the Philippines, Singapore, Thailand, at Vietnam.
Ang tema ng anibersaryo ay “Partnering for Change, Engaging the World”.