Muntik nang mapaanak sa nerbiyos ang isang ginang nang maatrasan ng 10-wheeler truck ang kanyang bahay at isa pa sa Valenzuela City, nitong Linggo ng hapon.
Sa report ng Valenzuela City Traffic Investigation Vehicle Unit, bandang 2:00 ng hapon, binabagtas ng truck (CTB-418), kargado ng plywood at kahoy, ang kahabaan ng Dulalia Street, Barangay Lingunan nang bigla itong tumirik at mawalan ng preno hanggang sa tuluyang dumausdos at bumangga sa dalawang bahay.
Nagkanya-kanya naman sa pagtakas ang driver at pahinante.
Ayon kay Melinda Hortaleza, nasa banyo siya noong mga oras na iyon at labis ang kanyang takot nang yumanig ang kanilang bahay.
“Sumakit po ‘yung tiyan ko at nanigas sa sobrang takot. Akala ko lumindol, eh paglabas ko wasak na ang sala namin,” ani Hortaleza.
Habang tinitipa ang balitang ito, hindi pa lumulutang sa presinto ang may-ari ng truck na kinilalang si George Tan.
(Orly L. Barcala)