Patay ang isang motorcycle rider matapos na bumangga ang sinasakyan niyang motorsiklo sa tricycle na minamaneho ng isang barangay tanod makaraang bigla na lamang huminto ang huli sa gitna ng kalsada sa Sta. Mesa, Maynila, nitong Sabado.

Tinangka pang isalba ng mga doktor ng UERM Hospital si Nicomedes Corong, Jr., 29, binata, walang hanapbuhay at residente ng 125 Alcoy Street, Agham Road, Quezon City, ngunit binawian din siya ng buhay.

Samantala, arestado naman si Eduardo Gulila, 40, tanod ng Barangay 591, Zone 58, at residente ng 282 Teresa Street, Sta. Mesa, na kakasuhan ng reckless imprudence resulting to homicide and damage to property.

Batay sa ulat ni SPO2 Manuel Garbin Jr., ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), nabatid na dakong 2:30 ng umaga nang mangyari ang aksidente sa harap ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Teresa Street.

Padilla, binara si Castro kontra VP Sara: 'Ipagpaliban muna maduming pulitika!'

Sakay si Corong sa Yamaha Mio motorcycle (1835-HY) at binabagtas ang northbound ng Anonas Street paliko sa Teresa Street nang bigla na lamang huminto ang nasa unahan niyang tricycle (NA-11760), na minamaneho naman ni Gulila.

Dahil hindi inaasahan ang biglaang paghinto ng tricycle, sumalpok ang motorsiklo sa kaliwang bahagi nito at sa lakas ng impact ay nahulog sa motorsiklo si Corong. (Mary Ann Santiago)