Sinimulan na ang dismissal proceedings laban sa mahigit kalahati ng 287 operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na sumuway sa pagpapatapon sa kanila sa Basilan.

Sinabi ni Chief Insp. Kimberly Molitas, tagapagsalita ng NCRPO, na sinimulan ang dismissal proceedings sa utos ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga pasaway na pulis na idineklarang AWOL (absent without official leave).

“The order came from the NHQ (National Headquarters at Camp Crame). But it would be a long process because of the observance of the due process,” ani Molitas.

Sa ngayon, inaasahang pagpapaliwanagin ang mga pulis kung bakit nila sinuway ang lehitimong atas at binantaang mahaharap sila sa mga kasong administratibo na mangangahulugan ng pagsibak sa serbisyo sakaling mapatunayan silang nagkasala.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Matatandaang halos 300 pulis ang nahaharap sa iba’t ibang kasong administratibo, mula sa paglabag sa wastong pagsusuot ng uniporme hanggang sa pagkakasangkot sa droga.

Sa nasabing bilang, 53 lamang ang sumipot at ipinadala sila sa Basilan noong Pebrero, at halos lahat ng nagbalewala sa deployment ay hindi na pumasok sa trabaho simula noon.

“But there are a number of them who went to Basilan for deployment after the first batch,” sabi ni Molitas.

Nagbanta naman si Interior and Local Government Secretary Mike Sueno na tutugisin ng pulisya ang mga sumuway na pulis sakaling sumapi ang mga ito sa sindikato ng droga. - Aaron B. Recuenco